Nagpaalala si Senadora Loren Legarda sa lahat ng mga Pilipino na patuloy na pag-alabin ang diwa ng nasyonalismo at laging alalahanin ang mga aral ng nakaraan.
Bahagi ito ng mensahe ni Legarda para sa pagdiriwang ng ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ayon kay Legarda, ang araw ng kalayaan ay para sa lahat ng mga Pilipinong patuloy na nahsusumikap na makapagbigay ng magandang buhay sa kanilang mga pamilya, sa mga patuloy ang pakikipaglaban para sa kanilang karapatan, sa mga kaisa ng bansa sa pagtataguyod ng isang maunlad, makakalikasan at mapagpalayang bayan, at para sa mga Pilipinong saan mang sulok ng mundo ay patuloy na iwinawagayway ang ating bandila at nagbibigay ng karangalan at pagkilala sa bansang Pilipinas.
Nananatili aniyang matibay na paalala ang pagdiriwang na ito sa mga laban at sakripisyo ng ating mga ninuno para matamasa ang kaayusan at demokrasya sa lipunan ngayon.
Hinikayat naman ni Senate Majority leader Francis Tolentino ang mga kapwa Pilipino na kilalanin ang mga sakripisyo ng ating mga bayani para makamit ang kalayaan ng bansa.
Giniit ni Tolentino na dapat nating alalahanin na ang kalayaan ay isang regalo mula sa ating mga bayani na dalat nating pangalagaan at patuloy na isabuhay.| ulat ni Nimfa Asuncion