Pinapa-account ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang lahat ng sasakyan ng PNP para masigurong hindi nagagamit sa iligal na gawain ang mga ito.
Ang kautusan ay ibinigay ng PNP Chief matapos matuklasan na gumamit ng official vehicle sa paggawa ng krimen ang dalawa sa apat na pulis na inaresto kaugnay ng pagdukot sa apat na dayuhan sa Pasay City.
Gumamit umano ang mga suspek ng PNP motorcycle upang harangan ang sasakyan ng mga biktima, at isang sibilyang van na may mga blinker.
Mahigpit na ipinag-utos ng PNP Chief kay PNP Highway Patrol Group (HPG) Director Police Brig. Gen. Jay Cumigad na hulihin ang lahat ng iligal na gumagamit ng PNP marking sa sasakyan at i-account ang lahat ng sasakyan, kabilang ang mga motorsiklong ginagamit ng mga pulis. | ulat ni Leo Sarne