Para sa mga senador, mas mainam na huwag na munang ipatupad ang PUV Modernization Program dahil sa mga problema sa programa na hindi na nareresolba.
Sa pagdinig ng Senate Committe on Public Services na pinamumunuan ni Senador Raffy Tulfo, ipinahayag ni Senador JV Ejercito na dapat muna itong ihinto ng gobyerno dahil hindi pa handa sa pagpapatupad ng programa.
Partikular na isyu aniya ang financing ng mga modernized jeep dahil hindi kaya ng mga jeepney operator at driver ang mataas na monthly amortization.
Nasa ₱2.4-million kasi ang pinakamurang modern jeep na kailangang bayaran sa loob ng pitong taon.
Si Committee on Public Services Chairperson Raffy Tulfo naman, ginigiit na mawawala na ang iconic design ng mga jeepney kapag tuluyang naisulong ang modern jeeps.
Tanong naman ni Senador Grace Poe, ano ang gagawin sa higit 36,000 jeepney drivers na hindi nag-consolidate.
Hinikayat rin ni Poe ang Department of Transportation (DOTr) na iprayoridad ang pagkumpleto ng mga ruta bago bawasan ang mga kasalukuyang bilang ng mga PUV para masigurong hindi kukulangin ng masasakyan ang mga komyuter. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion