Kinumpirma ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF) na sinibak na nito sa puwesto ang isa nilang tauhan matapos na magpositibo sa ikinasang drug test.
Ito’y ayon kay PNP SAF Director, Police Brig. Gen. Mark Pespes, makaraang sumalang sa drug test ang 93 nilang tauhan bunsod ng nakuha nilang intelligence report na may miyembro silang gumagamit ng iligal na droga.
Ayon kay Pespes, ang nag-iisa nilang tauhan na nagpositibo sa isinagawang drug test ay may ranggong Patrolman.
Una na aniyang nagpositibo sa initial drug test ang naturang pulis noong isang linggo at muling nagpositibo ito nang isalang sa confirmatory test.
Wala nang naging palag pa ang naturang pulis at tinanggap na lamang ang resulta ng isinagawang drug test sa kaniya.
Dahil dito, ililipat sa Holding and Accounting Unit ng SAF ang naturang pulis habang ikinakasa na ang mga kasong kriminal at administratibo laban sa kaniya. | ulat ni Jaymark Dagala