Nagsagawa First-aid training ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga aso na gumaganap ng mahalagang papel sa Search and Rescue (SAR) operations.
Ito’y bilang paghahanda na rin para sa pagtama ng iba’t ibang sakuna gaya na lamang ng pinangangambahang “The Big One.”
Dinaluhan ang pagsasanay ng iba’t ibang grupo ng disaster response volunteers, kabilang ang K9 SAR Unit ng MMDA, UP-MMDA-Vanguard SAR Corps, at iba pa.
Nakatanggap ng hands-on training ang mga kalahok mula sa mga veterinary professionals tungkol sa Cardio Pulmonary Resuscitation (CPR) para sa mga aso; pangangalaga sa sugat; at pang-unang lunas sa panahon ng emergency.
Ayon kay MMDA Acting Chair Atty. Don Artes, napapanahon ang pagsasagawa ng ganitong uri ng pagsasanay lalo na para sa mga mamamayan ng Metro Manila na naghahanda para sa “The Big One.”
Ang K9 ay maaasahang mga kasama upang matiyak ang pagsasagawa ng Search and Rescue sa panahon ng sakuna lalo na sa pagsagip sa mga biktimang nasaktan sa mga gumuhong istruktura.
Sinabi pa ni Artes na plano rin nilang magsagawa pa ng mas maraming kahalintulad na mga aktibidad na layuning matulungan ang mga may-ari ng aso na maging mas handa sa pagtugon sa mga emergency at sakuna. | ulat ni Jaymark Dagala