Tinawag na iligal at mapamilit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpasok ng tinaguriang “monster ship” ng China Coast Guard malapit sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal.
Ayon sa AFP, ang presensya ng naturang barko ng Tsina ay naka-aapekto sa kapayapaan sa rehiyon at lalong makapagpapataas ng tensyon sa naturang karagatan.
Sa isang pahayag, sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, bahagi ng mas malawak na “intrusive patrols” ng China ang presensya ng 12,000-ton CCG ship malapit sa BRP Sierra Madre.
Layon nito, ani Trinidad, na igiit ng China ang kanilang “unlawful claims” sa ilang lugar na pasok sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Gayunman, sinabi ni Trinidad na nananatiling alerto ang AFP sa anumang posibilidad at tiniyak din nito ang kanilang katapatan sa pagtupad ng mandato na may paggalang sa international maritime laws, lalo na sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). | ulat ni Jaymark Dagala