All set na ang Monumento Circle sa Caloocan City para sa gaganaping aktibidad ngayong umaga na may kaugnayan sa ika-126 taong selebrasyon ng Araw ng Pambansang Kalayaan.
Pangungunahan ni Caloocan City Mayor Along Malapitan kung saan panauhing pandangal si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. at mga kinatawan mula sa National Historical Commission of the Philippines.
Sisimulan mamayang alas-8 ng umaga ang aktibidad dito sa Bantayog ni Gat Andres Bonifacio kung saan magkakaroon ng wreath laying ceremony o pag-aalay ng bulaklak, at pagbasa ng Proklamasyon bilang 28.
Sa mga oras na ito, mahigpit na ang seguridad sa paligid ng Monumento Circle na hindi na pinapapasok pa ang mga motorista.
Marami na ring mga empleyado ng City Hall ang nagtipon-tipon dito para dumalo sa aktibidad.
Kaugnay nito, sarado na ang ilang kalsadang patungo sa Monumento Circle partikular ang Rizal Avenue Extension Corner 10th Avenue at Samson Road upang magbigay daan sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta. | ulat ni Merry Ann Bastasa