Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Mt. Kanlaon Observatory ang naranasang pagdaloy ng tubig na may halong volcanic sediments sa Padudusan Falls na nasa siyudad ng Canlaon, Negros Oriental.
Ayon kay Mari-Andylene Quintia, resident volcanologist sa Mt. Kanlaon Observatory, hindi ito nalalayo sa lahar pero ang muddy stream flow ay mas maraming water component.
Gayunpaman, inaabisuhan ang publiko na mag-ingat dahil isa ang muddy stream flow at maging ang lahar sa mga hazards o panganib na dala dulot ng pagputok ng bulkan.
Ayon kay Quintia, kung mabilis ang agos ay maaaring makapinsala sa kabahayan at manganib ang buhay ng sinumang maabutan nito.
Sa larawan na ibinahagi ni Canlaon Mayor Jose Chubasco Cardenas, makikitang kulay itim ang tubig sa paanan ng Padudusan Falls.
Hapon ng Miyerkules ay pinatunog ang alarma upang abisuhan ang mga residente sa nakaambang panganib, ngunit ipinaliwanag ng alkalde na hindi kailangang mag-panic at mangyaring sumunod sa tagubilin ng awtoridad.
Matatandaang pumutok ang Mt. Kanlaon June 3, Lunes ng gabi. | ulat ni Jessa Agua-Ylanan | RP1 Cebu