Posibleng maramdaman na ng publiko ang mas murang imported na bigas na darating sa bansa simula sa buwan ng Agosto.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel De Mesa, ang murang bigas ay epekto na ng Executive Order no. 62 o 15% bawas-taripa sa imported rice at iba pang produkto.
Sinabi pa ni De Mesa, 15 araw mula nang ilathala ang kautusan sa pahayagan at Official Gazette, magiging epektibo ang EO sa Hulyo 6.
Dahil dito, batay sa pagtaya ng Philippine Statistics Authority (PSA), mababawasan na ng ₱6 – ₱7 ang presyuhan ng imported na bigas.
Paglilinaw pa ni De Mesa na sasailalim pa ito sa pagsusuri kada apat na buwan upang makita kung epektibo ang EO para makabili ng mas murang bigas ang mga mamimili. | ulat ni Rey Ferrer