Muling nakiusap ang Manila Water Sewerage System (MWSS) sa National Water Resources Board (NWRB) na palawigin pa ang dagdag alokasyon ng tubig sa Angat dam para sa mga customer ng Maynilad at Manila Water hanggang sa katapusan ng Hunyo.
Sa kasalukuyan ay nasa 51 cubic meters per second ang water allocation ng MWSS sa Angat Dam na tatagal hanggang June 15.
Sa hirit ng MWSS, umaasa itong aprubahan ang alokasyong 52cms simula sa June 16 nang matiyak na walang lugar sa Metro Manila ang makararanas ng mahabang water service interruptions.
Ayon sa MWSS, mahalaga rin ito para masigurong may ‘extra buffer’ sa Angat Dam habang hindi pa lubos na nararamdaman ang La Niña.
Kasunod nito, tiniyak naman ng MWSS na patuloy ang operational protocols nito sa mga binabantayang dam kung saan ginagamit ang local inflows sa mga watershed kapag nagkakaroon ng malakas na pag-ulan nang matipid ang tubig na mula sa Angat Dam. | ulat ni Merry Ann Bastasa