Arestado na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki sa Pasig City dahil sa pag-hack ng gas account ng isang food company at pagnanakaw ng mahigit Php 14 milyong halaga ng gasolina.
Sa report ng NBI, pumasok sa Shell Fleet Hub Account ng Gardenia Bakeries Philippines ang suspect na si Gurdeepo Singh Evora Parmar .
Unang nagreklamo sa NBI ang Gardenia ng kasong Economic Sabotage, Illegal Access and Computer-Related Fraud laban sa ilang indibiduwal na naka-access ng walang pahintulot sa kanilang Shell Fleet Hub Account .
Nakalikha ito ng bagong “users” na nagresulta sa iligal na pagkuha ng diesel at gasoline products sa iba’t ibang Shell Gasoline Stations.
Sa bisa ng search warrant, nadiskubre ng NBI agents sa bahay ni Gurdeepo ang ilang electronic devices, tatlong IDs na ginamit sa mga transaksiyon, iligal na droga, drug paraphernalia, mga falsified documents at computer-related fraud.
Kinasuhan na sa Pasig City Prosecutor’s Office si Gurdeepo dahil sa paglabag sa batas.| ulat ni Rey Ferrer