Hindi nakikitang kalugihan sa panig ng pamahalaan ang ginawang pag-aapruba sa Comprehensive Tariff Program 2024- 2028 na pinagtibay kahapon sa isinagawang National Economic and Development Authority (NEDA) Board Meeting sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay NEDA Chief Arsenio Balisacan, Hindi nila nakikitang loss o kawalan sa gobyerno ang panatilihing mababa ang buwis sa mga produktong pang-agrikultura.
Sa halip, ani Balisacan, ay panghikayat pa ito upang sumigla at mas magkaroon ng economic activities na malalahukan ng mga nasa tinatawag na vulnerable groups.
Mas makapag-ge-generate aniya ng dagdag kita sa gobyerno ang hakbang gayung magiging abot-kaya sa mga households ang mga pangunahing bilihin kasabay ng pagbalanse sa interes ng mamimili at mga local producers.
Kasama sa mga mananatiling may mababang taripa ay ang karneng baboy, deboned meat, asukal, at gulay. | ulat ni Alvin Baltazar