Kailangan pang paigtingin ng pamahalaan ang pagbili sa lokal na palay upang mapunan ang kinakailangan na buffer stock ng bigas ng bansa.
Nababahala kasi si AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee na sa kasalukuyan, batay sa pahayag ng National Food Authority , ang rice inventory ng bansa ay aabot lamang sa loob ng apat na araw.
Kailangan aniya na mapataas ito ng hanggang tatlumpung araw bilang paghahanda na rin sa La Niña.
Kasabay nito muling humirit si Lee na panahon nang gawing batas ang mekanismo ng NFA na bumili ng lokal na palay sa mas mataas na presyo.
Una nang inihain ng mambabatas ang House Bill 9020 o Cheaper Rice Act kung saan magpapatupad ng price subsidy program para bilhin ang palay mula sa local farmers sa mas mataas na farmgate price. | ulat ni Kathleen Forbes