Kumpiyansa ang National Food Authority na maaabot nito ang adjusted target na makabili ng 3.3 milyong sako ng palay hanggang sa katapusan ng Hunyo.
Ayon kay NFA Admin Lacson, dahil sa pagtangkilik ng mga magsasaka sa mataas na buying price ng palay, umabot na sa 3.29 milyong sako ng palay ang nabili na ng NFA hanggang nitong June 5.
Katumbas na ito ng 99% sa target ng NFA na palay procurement para sa unang kalahati ng taon.
Sa ngayon, mayroon pang 72,000 kaban ng palay ang hinahabol ng NFA kaya patuloy pa rin ang pagbili nito sa mga magsasaka.
Mahalaga kase aniyang masiguro na may sapat na buffer stock ng palay lalo na’t may pinaghahandaang La Niña.
Ngayong araw, pinangunahan ni Admin Lacson ang palay procurement sa NFA warehouse sa Bulacan na may pila pa ng mga magsasakang nagbebenta gaya ni Arnie na naibenta ang kanyang aning higit 200 kaban ng palay sa halagang P27 kada kilo.
Nakipagpulong din ang opisyal sa ilang miyembro ng mga kooperatiba kung saan tiniyak nito ang patuloy na suporta sa mga magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa