Nalagpasan na ng National Food Authority (NFA) ang target nitong palay procurement para sa unang anim na buwan ng 2024.
Kinumpirma ito ni NFA Administrator Dr. Larry Lacson matapos umabot sa kabuuang 3,365,245 kaban o katumbas ng 168,262 metriko tonelada ang nabili ng ahensya hanggang nitong June 13.
Katumbas na ito ng 100.06% ng palay procurement sa target nitong 3.3 milyong sako ng palay.
Kasunod nito, nagpasalamat ang NFA sa pagtangkilik ng mga magsasaka sa mas mataas nitong buying price kung saan umaabot sa ₱23-₱30 ang kada kilo ng clean at dry palay.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mga magsasaka na patuloy na pinag-iibayo ang pagtatanim ng palay para sa ating bansa. Gayundin sa mga kawani ng ating ahensya na masigasig na naglilingkod para matugunan ang mandato ng ahensya,” ani Lacson.
Hindi naman aniya titigil ang NFA na patuloy pa ring bibili sa mga magsasaka sa ilalim ng Price Range Scheme (PRICERS).
“We are continuously procuring palay from our local farmers under our Price Range Scheme or PRICERS, where we buy wet palay at ₱17 to ₱23 per kilogram, while we buy clean and dry palay at ₱23 to ₱30 per kilogram,” dagdag ni Lacson.
Para sa taong 2024, kabuuang 495,000 MT ng palay ang tina-target na mabili ng NFA sa mga magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa