Mas pinaigting pa ng Land Transportation Office (LTO) ang nationwide anti-colorum campaign nito sa pagpapatupad ng ‘No Release’ policy sa lahat ng mga na-impound na sasakyan sa anti-colorum operations.
Ayon kay LTO chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, kailangan na ng mas mabigat na kaparusahan sa mga colorum na sasakyan nang maipakita sa mga motoristang patuloy na nilalabag ang batas na seryoso ang pamahalaan na tapusin ang modus na ito.
Katunayan, nirereklamo ng transport groups na nasa 30% ang nababawas sa kanilang kita dahil sa mga pumapasada ring colorum.
Sa bagong polisiya ng LTO, mailalabas lamang ang mga impounded colorum vehicles sa pamamagitan ng isang court order.
“Simple lang po ito: May mga regulasyon patungkol sa operation ng public utility vehicles. Kung hindi po ito sinunod, maliwanag na iligal po ang operasyon nito and this is equivalent to committing a crime. Kaya may karampatang parusa at multa dito,” Asec. Mendoza.
Kaugnay nito, naglabas na ng memorandum ang LTO chief sa lahat ng regional directors, district office heads at LTO units chief para agarang maghain ng kasong kriminal sa bawat anti-colorum operation.
“Pending the criminal case, the unit should not be released without a court order as the vehicle is part of the evidence of the crime. Releasing the vehicle is tantamount to Infidelity in the Custody of Evidence.” | ulat ni Merry Ann Bastasa