Nahuli ang isang notoryus na NPA lider sa pinagsanib na operasyon ng Philippine Army (PA) at Philippine National Police (PNP) sa Sitio Siwalang, Barangay Tapulang, Maayon, Capiz kahapon.
Kinilala ng militar ang wanted na NPA lider na si Francisco Balois, alyas Tonying, na Squad Leader ng Squad 2 ng Madia-as Dos, Central Front, Komiteng Rehiyon-Panay (CF, KR-P).
Nakuha sa kanyang posesyon ang isang M16 rifle, isang .45 caliber pistol, isang granada, mga magazine, mga bala, isang handheld radio at samut-saring gamot.
Si Ka Tonying, na may patong sa ulo na ₱150,000, ay may siyam na pending na Warrant of Arrest para sa mga kriminal na kasong kinabibilangan ng murder, iligal na posesyon ng baril at pampasabog, rebelyon, robbery-in-band, at paglabag sa Anti-Piracy at Anti-Highway Robbery Law.
Bukod sa mga kasong kriminal, si Ka Tonying ay notoryus sa kanyang extortion activities sa Panay, partikular sa Capiz, na bumibiktima sa mga negosyante, mga construction company, at mga magsasaka.
Binati naman ni 3rd Infantry Division Commander Major General Marion Sison ang mga tauhan ng 12th at 82nd Infantry Battalions ng PA at Maayon at Cuartero PNP sa matagumpay na operasyon laban sa wanted na teroristang komunista. | ulat ni Leo Sarne
📸: 3ID