Nagsasagawa ng sariling pag-aaral ang National Security Council (NSC) sa posibleng implikasyon sa pambansang seguridad ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) habang sinusubaybayan ang imbestigasyon ng Senado sa mga ito.
Sa isang pahayag, sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na sa ngayon ay hindi pa itinuturing ng NSC bilang “national security threat” ang mga POGO na mangangailangan ng aksyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) katulad ng paglaban sa Abu-Sayaff o CPP-NPA.
Gayunman, sinabi ng kalihim na ang mga iligal na operasyon ng POGO ay “national concern” na kayang tugunan ng “law enforcement” at “regulatory agencies”.
Kung mayroon man aniyang ginagawang paglabag sa batas ang mga POGO, hindi dapat ito palampasin at kailangang aksyunan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Tiniyak naman ni Año na patuloy na makikipagtulungan ang NSC sa ibang mga ahensya ng pamahalaan at mga “stakeholder” sa pangangalap ng impormasyon para magkaroon ng balanseng pananaw sa operasyon ng mga POGO sa bansa. | ulat ni Leo Sarne