Nananatiling mapagbantay ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa posibleng “resurgence” ng terorismo sa kabila ng paghihingalo ng mga pwersa ng kilusang komunista.
Sa isang pahayag, sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. na bagama’t nalinis na ang karamihan sa mga lugar mula sa mga aktibong NPA guerilla front, nakatuon pa rin ang kanilang atensyon sa pagpigil ng tangkang pagbangon ng makakaliwang grupo, kasama na ang pagre-recruit ng mga bagong kasapi nito.
Ayon kay Torres, mula sa 89 na aktibong guerrilla front noong 2018, siyam na lamang ang mahina na, na target ng militar na buwagin ngayong taon.
Kabilang dito ang limang guerilla front sa Luzon at tig-dalawa sa Visayas at Mindanao.
Ang pahayag ni Torres ay matapos manawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mas mataas na kahandaan laban sa mga panlabas na banta dahil sa tumitinding tensyon sa Indo-Pacific region. | ulat ni Leo Sarne