Pinatututok ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang overseas Filipino workers (OFWs) sa mga susunod na updates hinggil sa ilulunsad na OFW app.
Ayon sa anunsyo ng OWWA, pirmado na ang isang memorandum of understanding (MOU) kung saan magtutulong-tulong ang OFW Party List, Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Migrant Workers (DMW), at OWWA para sa paglunsad ng OFW app.
Ayon sa OWWA, ito ay isang mobile application na magsisilbing assistance at information outlet para sa mga OFWs sa buong mundo.
Pinangunahan ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang MOU signing kasama si OWWA Administrator Arnell Ignacio, DMW Secretary Hans Leo Cacdac, at DICT Secretary Ivan John Uy.
Layunin ng MOU na ipakita ang epektibong pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno sa pagsulong ng digitization efforts para sa kapakanan ng mga Pilipino. | ulat ni Lorenz Tanjoco