Patuloy pa rin ang ginagawang pag-iikot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lansangan sa Metro Manila para sa programa nitong Oplan Pag-abot.
Batay sa pinakahuling datos ng DSWD, nakapagbigay na ito ng tulong sa kabuuang 2,583 indibidwal na nagpalaboy sa mga lansangan.
Mula sa bilang na ito, nasa 1,664 ang mga indibdiwal na nai-refer ng DSWD sa mga LGU para agad na matulungan.
Mayroon namang 891 reached-out individuals ang pansamantalang nananatili sa temporary shelter ng DSWD at Residential Care Facilities.
Aabot naman sa 321 ang nabigyan na ng ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program habang umakyat sa 818 ang napauwi sa kani kanilang probinsya.
Sa ilalim ng Pag-abot Program, patuloy ang DSWD sa pagsisikap na matulungan ang mga pamilya at indibidwal na nasa lansangan na makabalik sa kanilang mga bayan o komunidad, mabigyan ng nararapat na interbensyon at tulong upang hindi na muli bumalik sa lansangan. | ulat ni Merry Ann Bastasa