Tiniyak ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio ang mabilis na aksyon ng kanyang opisina para maiuwi na sa bansa ang labi ng tatlong Pinoy na namatay sa sunog sa Al-Mangaf area sa Kuwait City, Kuwait.
Dahil dito ay inaasahang maiuuwi na ang labi ng tatlo.
Ayon sa OWWA ay agad na ipinag-utos ni Ignacio sa OWWA Kuwait Post, na asikasuhin ang letter of acceptance ng Next of Kin (NOK) at garantiyahan ang iba pang mga kinakailangang dokumento para sa mabilis na pagpapauwi sa labi ng tatlong OFWs.
Inatasan din ni Ignacio ang mga Regional Welfare Office na kaagad na makipag-ugnayan sa mga kaanak ng biktima upang mabigyan ng agarang tulong at suporta.
Tiniyak din ng opisyal, na maagap na tinugunan ng OWWA ang pangangailangan ng iba pang mga OFW at kanilang pamilya na naapektuhan ng kalunos-lunos na pangyayaring ito.
Paliwanag ng OWWA, lahat ng hakbang na ito ay bunsod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maiuwi ang labi ng mga nasabing biktimang Pinoy.| ulat ni Lorenz Tanjoco