Sa pagbabalik sesyon ng Kamara sa Hulyo 22 ay magiging prayoridad nito ang pag-apruba ng 2025 national budget ayon kay Speaker Martin Romualdez.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Romualdez na ang pambansang pondo pinakamabigat at pinakamalaking lehislayon na pinapagtibay ng Kongreso taun-taon.
“Ay syempre naman yung budget, kasi pagkatapos ng SONA, isusumite na naman ‘yung budget sa 2025 kaya dun na lang ‘yung kasunduan na lang na pinag-uusapan natin ng House of Representatives,” saad niya bilang tugon sa tanong ng mga mamamahayag.
Nakatakdang ipanukala ng administrasyong Marcos ang P6.2 trilyong halaga ng pambansang pondo para sa susunod na taon.
Ngayong 2024 ang kabuuang pondo ng pamahalaan ay nasa P5.768 trilyon.
Siniguro ng House leader na patuloy na popondohan ng Kongreso ang mga programa ng pamahalaan programa na tumutulong sa mga manggagawa gaya ng TUPAD.
“Nakikita ko napakaganda itong programa na ginagawa ng DOLE na TUPAD payout para sa mga magsasaka. Nakita mo naman masayang-masaya, masigla talaga ang ating beneficiaries…kaya itutuloy din natin itong programa sa susunod na budget, kaya ito ang gusto talaga ng taong-bayan,” saad niya.| ulat ni Kathleen Forbes