Pag-imbita kay dating Pangulong Duterte na dumalo sa imbestigasyon ng war on drugs ng kaniyang administrasyon, di sapilitan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hindi pupwersahin ng Kamara sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating Philippine National Police (PNP) Chief at ngayon ay Senador Ronald Dela Rosa na dumalo sa isinasagawang pagdinig ng House Committee on Human Rights sa umano’y iregularidad ng ipinatupad na war on drugs ng kaniyang administrasyon.

Ayon kay Manila Representative Bienvenido Abante, chair ng komite, hindi naman ‘summon’ ang pag-imbita kina Duterte at Dela Rosa bagkus ay pagkakataon na malaman at marinig nila ang kwento ng mga kaanak ng mga biktima.

Kinikilala at nagbibigay galang pa rin naman aniya sila sa dating Pangulo at kasamahang mambabatas dahil na rin sa inter-parliamentary courtesy.

“We will accord him, ang ating former President with utmost respect bilang dating Pangulo ng Pilipinas.  Hindi summon ‘yung pagpapadala po namin ng imbitasyon kundi it’s an invitation for him to come over para malaman niya at marinig niya ang mga kwento ng mga kaanak ng mga biktima.  Mayroon ding ilang katanungan ang mga miyembro ng komite sa kaniya, na pwede niya namang sagutin o hindi sagutin.  It’s up to him.  Pero it’s not in any way trying to coerce him to come actually.  Kahit na kay Senator Bato.  Ito po ay invitation, at naniniwala po kami sa inter-parliamentary courtesy.  Pero ang pag-invite namin sa kaniya, hindi po sa pagka-senador niya kundi iniimbitahan namin siya bilang dating Director General ng Philippine National Police,” sabi ni Abante.

Aminado naman si Abante na nanghihinayang siya na sinabi na ng dating Pangulo na hindi ito dadalo sa pagdinig.

Maging si Dela Rosa ay nagsabi na hindi siya dadalo sa naturang pagdinig.

Sakali naman na magbago ang isip ng dating Pangulo at dumalo siya ay siniguro nito na itatrato nila ito ng patas at may paggalang.

“If the former President Duterte chooses to appear, the Committee will be as fair and respectful to him as it has been to every resource person invited to testify during the proceedings.  We will also extend every courtesy due to a past Chief Executive and former member of the House,” giit ni Abante.  | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us