Binabantayan pa rin ng Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction and Management (DA-DRRM) Operations Center ang patuloy na pag-iral ng easterlies sa ilang lugar sa bansa.
Mahalaga ito para maabisuhan ang mga magsasaka para maging handa sa pamiminsala ng mga pag-ulan sa kanilang mga pananim.
Batay sa monitoring ng DA-Disaster Risk Reduction and Management, nararanasan pa rin ang epekto ng easterlies na nagdadala ng kalat-kalat na pag-ulan sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.
Nakararanas naman ng makulimlim na panahon na may mga tyansa ng pag-ulan bunsod ng thunderstorms ang Eastern Visayas; Central Visayas; Caraga; Bicol Region; Romblon; Palawan; at Quezon Province.
Habang localized thunderstorm naman ang nakakaapekto sa buong Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.
Nagpaalala naman ang ahensya sa publiko, na panatilihing maging alerto dahil sa posibilidad ng pagbaha, at pagguho ng lupa sa mga nabanggit na lugar. | ulat ni Rey Ferrer