Naging produktibo ang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting ngayong araw sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso at ng Ehekutibo kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos, ayon kay Senate President Chiz Escudero.
Sinabi ng Senate leader na nag-commit ang lahat na iprayoridad ang mga mahahalaga at makabuluhang mga panukalang batas sa nalalabing 73 session days ng 19th Congress.
Ayon kay Escudero, sa panig ng Senado ay ipraprayoridad nila ang pagpapasa ng anim na natitirang priority bills ng LEDAC kasama ang tatlong key Senate priority bills kapag nagbukas nang muli ang sesyon sa susunod na buwan.
Kasama sa mga natitira pang LEDAC priority measures na nakapila para sa plenary deliberation at pag-apruba sa huling pagbasa ng Senado ay ang panukalang Blue Economy Act, Enterprise-Based Education and Training Framework Act, amyenda sa Universal Health Care Act, pagtatatag ng Department of Water Resources, Open Access in Data Transmission Act, at ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy o ang CREATE MORE bill.
Samantalang ang tatlong senate priority bills naman ay ang panukalang amyenda sa Right-of-Way Act (Republic Act 10752), sa Investors’ Lease Act (R.A. 7652), at sa Comprehensive Agrarian Reform Law (R.A. 6657).
Pinunto naman ni Escudero na kinakailangan pa na mas liwanagin ang apat na LEDAC bills kasama na dito ang Waste-to-Energy (Senate Bill No. 2267), Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (SB No. 2034), Unified System of Separation, Retirement, and Pension of Military and Uniformed Personnel (SB No. 2501), at ang E-Government Act /E-Governance Act.
Kumpiyansa si Escudero na sa pamamagitan ng kolaborasyon at dedikasyon ng Senado, Kamara at Ehekutibo ay makakamit ang mga legislative goals ng administrasyon.| ulat ni Nimfa Asuncion