Inaasahan ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na maibabalik sa P10-M mula sa kasalukuyang P2.5-M, ang pondong inilalaan ng pamahalaan sa bawat baranggay sa ilalim ng Support to Barangay Development Program (SBDP).
Sa panukalang budget ng SBDP para sa 2025, 870 barangay ang inilista ng NTF-ELCAC para makatanggap ng tig-P10 milyong piso para sa farm-to-market roads, school buildings, water and sanitation systems, health stations, rural electrification, at iba pang proyekto para sa kabuhayan ng mga residente.
Ayon kay NTF-ELCAC Deputy Executive Director and SBDP Action Officer Monico Batle, mahalagang maihatid ang pang-ekonomiyang kaunlaran sa mga dating pugad ng insurhensya sa pamamagitan ng SBDP, at kumpiyansa sila na muling ibabalik ang P10M para sa bawat baranggay.
Ayon naman kay NTF-ELCAC National Secretariat Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. ang SBDP ay “game changer” sa pagwawakas ng dekadang pagsasamantala ng kilusang komunista sa mga bulnerableng komunidad. | ulat ni Leo Sarne