Pinayagan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang paggamit ng mga electronic o digital signature para sa ilang mga dokumento para pablisin proseso sa pagkuha ng permit sa mga flagship infrastructure project ng pamahalaan.
Ito ang inihayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan nang lagdaan nito ang memorandum of understanding katuwang ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) makaraang selyuhan nito ang implementing guidelines para sa Executive Order No. 59.
Layunin nito na alisin ang red tape sa mga flagship infrastructure project ng pamahalaan upang mabilis itong makumpleto na nakasunod sa itinakdang panahon.
Sa ilalim din ng nasabing guidelines, lilimitahan na lamang sa tatlo ang signatory sa bawat dokumentong may kinalaman sa proyekto at dapat sila ay may direktang pananagutan dito.
Pinapayagan din ng naturang panuntunan ang sabayang pagpoproseso ng mga aplikasyon sa pamamagitan ng pagsusumite ng isang Affidavit of Undertaking.
Binigyang diin ni Balisacan na sa pamamagitan nito ay makahahabol na ang Pilipinas sa mga kapit-bansa nito sa Timog-Silangang Asya na anihin ang magandang benepisyong dulot ng mga nakahanay na imprastraktura sa larangan ng ekonomiya. | ulat ni Jaymark Dagala
📷: NEDA