Welcome kay Senador Risa Hontiveros ang pagsasampa ng kaso ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pang mga personalidad.
Sinabi ni Hontiveros na ang mga kasong isinampa ay nagpapakita rin ng kahalagahan ng ginagawa nilang mga pagdinig sa Senado at ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng Executive at Legislative sa pagtugis sa katotohanan.
Umaasa rin ang senador na magpapakatotoo na si Guo at titigilan na nito ang pagmamaang-maangan at pagsisinungaling.
Kasabay nito ay nagpasalamat si Hontiveros sa PAOCC at DOJ-IACAT para sa pagpupursige sa pag-raid ng mga POGO at pagsagip, hindi lang sa mga Pilipino, pati na rin sa mga dayuhang biktima ng panloloko at pang aalipusta.
Aniya, bilang may akda at sponsor ng Expanded Trafficking in Persons Act ay natutuwa siyang makita na napoprotektahan ng batas na ito ang mga bulnerable at napapanagot ang mga may sala.
Sa huli, umaasa ang mambabatas na hindi lang sila sa Senado ang magtutulak na mapalayas na ang mga POGO sa Pilipinas, kundi sana ay buong gobyerno rin aniya ay manindigan na kontra sa POGO. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion