Nagpahayag ng kaniyang pakikiisa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw ng paggunita ng mga kapatid na Muslim sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
Sa kaniyang mensahe, binigyang diin dito ng Pangulo ang pagiging matatag ng mga kapatid na Muslim sa gitna ng mga nararanasang hamon.
Isang magandang pagkakataon sabi ng Pangulo ang araw na ito upang pagnilayan ang buhay gayundin ang kwento ni Ibrahim na ang pananampalataya at pagmamahal kay Allah ang siyang naging sentro ng mga turo ng Islam.
Binigyang diin nito na ang pagpapalakas ng relasyon sa kapwa at sa Diyos, at ang mga aral ng nakaraan ay nagpapatatag sa isang indibidwal sa pagharap sa kinabukasan nang may tapang.
Dagdag pa ng Pangulo na bahagi ng kaniyang dasal sa bawat Pilipino na maging buo ang loob habang papunta sa tamang landas at pagkamit ng mga ito sa kanilang pangarap. | ulat ni Alvin Baltazar