Totoo man o hindi, binigyang diin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hindi dapat balewalain ng pamahalaan ang pagkakatuklas ng uniporme ng People’s Liberation Army (PLA) sa sinalakay na POGO hub sa Pampanga.
Ayon kay Estrada, na siya ring chairman ng Senate Committee on National Defense, mas dapat alamin kung saan ito ginagamit ng mga nasa POGO hub na iyon.
Pinagtataka pa ni Estrada, kung anong klaseng online scam ang nangangailangan ng props gamit ang uniporme ng PLA.
Aniya, tanging mga Chinese nationals lang ang nakakakilala ng Chinese military uniforms tulad ng alam rin ng marami nating mga kababayan ang gamit ng mga miyembro ng sangay ng ating Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi rin ng senador na isa rin itong malakas na indikasyon ng lawak ng scam na ginagawa ng mga POGO hub
Kaya naman binigyang diin ng mambabatas na dapat itong masusing imbestigahan ng mga otoridad gayundin ang mga pinaghihinalaang sindikatong may kaugnayan sa Lucky South Outsourcing Inc.| ulat ni Nimfa Asucion