Inatasan ni Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza II ang lahat ng Regional Directors at District Office heads na paigtingin pa ang road safety seminars sa lahat ng tricycle drivers sa bansa.
Naglabas ng kautusan si Mendoza kasunod ng paglulunsad ng Tricycle Operators and Drivers Association o TODA Learning Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang pagtatatag ng TODA Learning Centers ay para malaman ng mga tricycle driver ang kanilang mga karapatan at obligasyon sa kalsada, at maturuan sila sa road safety.
Plano ng LTO na magtayo ng maraming TODA Learning Center, lalo na ang mga tricycle driver na umaasa lang sa kanilang trabaho para sa kanilang kabuhayan.
Dapat tiyakin din ng Regional Directors at District Office ang koordinasyon sa mga local government unit, na nagbibigay ng permit to operate sa mga tricycle driver.
Batay sa datos, nasa average na 32 katao ang namamatay araw-araw sa Pilipinas dahil sa mga aksidente sa kalsada. | ulat ni Rey Ferrer