Binigyang-diin ni Senador Juan Miguel Zubiri na higit kailanman ay dapat nang agad na i-modernisa ang ating Armed Forces of the Philippines (AFP), lalo na ang Philippine Navy, at ang Philippine Coast Guard.
Ito’y sa gitna, aniya, ng mas nagiging agresibong aksyon at karahasan mula sa Chinese Maritime authorities na patuloy na lumalabag sa ating teritoryo at Exclusive Economic Zone (EEZ) sa West Philippine Sea.
Giit ni Zubiri, hindi na sapat ang pagkondena lang sa China.
Kita naman aniya sa video kung paanong kinawawa, pinagtulungan at tila kinuyog ang ating mga sundalo. Kahit pa aniya nakikiisa sa atin ang malaking sektor ng international community ay hindi pa rin natitinag ang China sa kanilang aksyon.
Kaya naman, binigyang-diin ni Zubiri na ang pagmomodernisa sa ating Sandatahang Lakas na lang ang natatanging hakbang na dapat gawin ng ating bansa.
Hindi man aniya natin matapatan ang lakas ng China ay madadagdagan ang ating puwersa sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion