Muling papayagan ang pagpapadala ng mga Filipino domestic at skilled worker sa Kuwait.
Ito ang inanunsyo ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa isang pulong balitaan ngayong hapon.
Ayon kay Secretary Cacdac, nakipagpulong si Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia sa mga opisyal at kinatawan ng Ministry of Interior at Ministry of Foreign Affairs sa Kuwait. Kabilang sa mga natalakay sa pulong ang Kuwaiti labor market.
Ani Cacdac, nagkasundo ang dalawang bansa na muling payagan ang pagpapadala ng mga Filipino skilled worker, gayundin ng mga first time Filipino domestic worker sa Kuwait.
Nabatid na nagpatupad ng ban ang Pilipinas sa deployment ng mga first time domestic at skilled worker sa Kuwait noong February 2023.
Ipinagbawal din ng gobyerno ng Kuwait ang pagpapadala ng domestic at skilled workers noong May 2023 dahil sa pagpatay sa overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara.
Sa ngayon, isinasaayos na ng DMW ang mga regulation process at inaasahan matatapos ito sa loob ng isang buwan bago maging epektibo ang recruitment at deployment ng mga domestic at skilled worker.
Nagpasalamat naman ang DMW sa gobyerno ng Kuwait sa naging resulta ng pagpupulong. | ulat ni Diane Lear