Ikinatuwa ni Finance Secretary Ralph G. Recto ang pagsasabatas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA).
Layon ng RPVARA na magtatag ng isang makatarungan, patas, at mahusay na sistema ng pagpapahalaga sa real property sa Pilipinas, na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga local government units (LGUs) na maging financially self-sufficient.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, ang milestone DOF priority bill ang aayos sa outdated na sistema na pagpapahalaga ng ari-arian sa bansa at maghahatid ng mabilis at maaasahang serbisyo publiko ng mga local govt.
Ngayon anya ay maasahan na ang mga local na pamahalaan na tumugon sa pangangailangan ng kanilang mga constituents, investors at landowners.
Pinasalamatan din ng kalihim ang Bureau of Local Government Finance (BLGF) para sa kanilang pagsisikap at dedikasyon na pahusayin ang lokal na pamamahala sa pamamagitan ng pagpasa ng RPVARA. | ulat ni Melany V. Reyes