Nagpahayag ng suporta si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pagsasabatas ng panukala na naglalayong pag-isahin ang Negros Island sa isang rehiyon at ang reporma sa Real Property Valuation sa buong bansa.
Ayon kay Escudero, ang dalawang batas na ito ay magpapahusay sa local governance gayundin sa koleksiyon ng buwis.
Sinasalamin aniya ng dalawang batas na ito ang commitment ng mataas na kapulungan para mapabuti ang local governance at economic growth.
Layon ng Negros Island Region Act (Republic Act 12000) na paghusayin at gawing mas epektibo ang local governance sa Visayas sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa iisang rehiyon ng mga lalawigan ng Negros Occidental, Negros Oriental, at Siquijor.
Ilan sa mga pangunahing probisyon ng panukala ay ang pagbubuo ng regional offices ng Negros Occidental at Negros Oriental, kung saan sakop nito ang mga sektor ng agriculture, peace and order, governance, human development, infrastructure, at industry.
Samantala, ang Real Property Valuation and Assessment Reform Act (Republic Act 12001) ay layong mapalakas ang koleksiyon ng buwis at mapabuti ang ang pagbibigay-serbisyo ng mga lokal na pamahalaan.
Kasama sa batas na ito ang probisyon para sa pag-automate ng local government services at pagbuo ng isang Real Property Valuation Service sa ilalim ng Bureau of Local Government Finance.
Ang inisyatibong ito ay inaasahang magpapabilis ng public service delivery at mapabuti ang proseso ng koleksiyon ng buwis. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion