Naniniwala si House Committee on Human Rights Chair at Manila Representative Bienvenido Abante na deceitful o mapanlinlang ang naging drug war ng nakaraang administrasyon.
Ito’y matapos mapakinggan ng mambabatas ang testimonya ng mga kaanak ng mga biktima ng Police operations sa ipinatupad na war on drugs.
Ani Abante, deceitful ang drug war dahil hanggang ngayon ay may droga pa ring nasasabat.
“Ganito ‘no, realizing what has happened, palagay ko maniniwala na ako na the war on drugs is quite deceitful, Oo. Why po deceitful? Sapagkat hanggang ngayon marami pang drugs eh. Hanggang ngayon hindi pa natatapos ‘yan,” ani Abante.
Kinilala naman ng Manila solon ang anti-illegal drug program ng Marcos Jr. administration.
Dito kasi aniya, maliban sa tone-tonelada ang nakukumpiska na droga ay wala o kakaunti lang ang nasawi.
Punto pa ni Abante na kung papakinggan ang mga testimoniya ng mga dumalong kaanak, ay walang ibinigay na due process sa mga ito.
Ipagpapatuloy ng Human Rights Committee ang pagdinig ngayong araw kung saan mga pulis at dating opisyal na nagpatupad sa drug war ang haharap. | ulat ni Kathleen Jean Forbes