Posible sanang makatulong ang naging pahayag ni dating Health Secretary Francisco Duque III na mabuksan ang imbestigasyon sa Senado ng kontrobersyal na isyu sa Pharmally Pharmaceutical Company noong kasagsagan ng pandemya.
Matatandaang sa naging pagdinig sa Kamara ay sinabi ni Duque na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos ng paglilipat ng COVID-19 funds mula sa Department of Health (DOH) patungo sa PS-DBM.
Gayunpaman, kalaunan ay nagbigay ng paglilinaw si Duque na ‘taken out of context’ ang kanyang naging pahayag.
Ayon kay Hontiveros, matagal na nilang nais na mabuksan muli ang imbestigasyon tungkol sa Pharmally isyu at naghahanap lang sila ng bagong anggulo kaugnay ng kaso.
Maaari sana aniyang bagong resource person, whistleblower o bagong ebidensya at dito aniya sana makatutulong ang naging pahayag ni Duque.
Para rin kay Hontiveros, ang sinabing dahilan na ‘taken out of context’ ang kanyang pahayag ay lumang excuse o palusot na.
Kaugnay rin nito ay nanghihinayang ang senador sa ginawang pagbawi ni Duque sa kanyang naging pahayag.
Para sa mambabatas, ang pagtanggi ni Duque na maging bahagi ng paghahanap ng katotohanan ay hindi lang nito kawalan, kundi kawalan rin ng sambayanang Pilipino
Sa huli, umaasa pa rin ang senador na ginagawa ng mga ibang government at constitutional bodies ng bansa ang lahat para malaman ang katotohanan sa isyung ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion