Nilinaw ngayon ng Department of National Defense (DND) ang naging pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. hinggil sa mariing pagtutol nito sa pamamayagpag ng mga sindikatong nagpapatakbo ng POGO sa bansa.
Ito’y kasunod ng naging pahayag ng kalihim nitong Araw ng Kalayaan na maituturing na “national concern” ang POGO dahil sa mga iligal na aktibidad nito.
Ayon kay Defense Spokesperson, Director Arsenio Andolong, ang ibig sabihin ng kalihim ay kailangang matigil na ang pamamayagpag ng mga sindikatong nagtatago sa POGO dahil pinahihina nito ang estado ng Pilipinas sa aspeto ng pananalapi at ekonomiya.
Iginiit pa ni Andolong na walang binanggit ang kalihim sa pahayag nito na may ilang POGO ang nag-o-operate malapit sa mga Kampo o Base Militar.
Hanggang sa ngayon ani Andolong ay iniimbestigahan pa kung kinakailangan nang ituring na banta ang mga POGO.
Magugunitang nakakuha at patuloy na nakakukuha ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng mga uniporme at paraphernalia ng Chinese Military sa sinalakay na POGO ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga. | ulat ni Jaymark Dagala