Nag-alok ng ₱100,000 pabuya ang pamahalaan sa sinumang indibiduwal na makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni dating Palawan Governor Joel Reyes.
Si Reyes ang itinuturong mastermind sa pag-ambush at pagpatay kay Puerto Princesa City broadcast journalist Gerardo Valeriano ‘Doc Gerry’ Ortega noong 2019.
Ayon kay Undersecretary Paul Gutierrez, Executive Director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), manggagaling ang pabuya sa Presidential Anti-Organized Crime Commission sa ilalim ng pamumuno ni Undersecretary Gilbert Cruz.
Naniniwala sina Usec. Gutierrez at Usec. Cruz na matagal nang napagkakaitan ng hustisya ang pamilya Ortega lalo na at hanggang ngayon ay hindi pa nadarakip si Reyes upang mapanagot sa kanyang pagkakasala.
Tiwala si Gutierrez na ang naturang pabuya ay magpapalakas sa paghahanap at pagdakip kay Reyes na isang taon nang nagtatago mula nang bawiin ng Korte Suprema ang kanyang piyansa at iutos na iharap sa paglilitis.
Nananawagan din si Usec. Gutierrez sa mga civic-minded citizens at mga nagsusulong o advocates ng hustisya na magbahagi ng kanilang pera sa inaaalok na reward sa mga makapagtuturo sa kinaroroonan ng dating gobernador. | ulat ni Mike Rogas