Naglabas ng ordinansa ang pamahalaang panlalawigan ng Basilan hinggil sa temporary ban sa pag-transport, pagpasok, at paglabas ng mga baboy, pork at pork by-products sa lungsod ng Lamitan at sa iba pang mga lugar sa bansa na apektado African Swine Fever (ASF).
Ito ay matapos magpositibo sa ASF ang mga nakolektang blood sample ng mga baboy mula sa Barangay Bulingan, Buahan, at Calugusan na ipinadala sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory.
Ayon kay Provincial Governor Jim Hataman Salliman, malaki ang magiging epekto ng presensya ng ASF pagdating sa food security at panghanapbuhay ng mga magsasaka at magbababoy sa probinsya ng Basilan.
Napapabilang din sa nasabing ordinansa ang pagpapatibay ng biosecurity measures para maprotektahan ang local swine industry sa naturang probinsya.
Inaabisuhan din ang hog raisers ng Basilan na kaagad na iulat sa kani-kanilang veterinarian office sa pagkakataong may maitatalang pagkamatay ng baboy sa kanilang mga lugar.| ulat ni Justin Bulanon| RP1 Zamboanga