Handang tumulong ang Philippine National Police (PNP) kay dzRH reporter Val Gonzales hinggil sa paghahain nito ng kaso laban sa grupong MANIBELA.
Ito’y matapos kuyugin ng may siyam na lalaki si Gonzales habang gumaganap ng tungkuling magbalita sa kasagsagan ng kilos-protesta ng grupo sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahapon ng umaga.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng pananakit ng grupo sa kahit kanino man, maging ito ma’y pulis, mamamahayag, o sa kapwa tsuper.
Kaya naman madalas ipinanawagan ng PNP sa mga nagsasagawa ng kilos-protesta na bantayang lagi ang kanilang hanay kaya’t tiniyak ng Pulisya na may mananagot sa nangyari.
Una nang kinondena ng iba’t ibang grupo ng mga mamamahayag gaya ng PNP Press Corps kung saan opisyal si Gonzales bilang Director, Defense Press Corps, QCPD Press Corps, Quezon City Journalist Association, Justice Reporters Organization, at iba pa ang ginawa ng MANIBELA kay Gonzales.
Anila, malinaw na paninikil sa malayang pamamahayag ang ginawa ng grupo kay Gonzales at nanawagan ang mga ito sa MANIBELA na maging responsable at igalang ang karapatan ng bawat mamamahayag na gampanan ang kanilang tungkulin.
Kasunod nito’y itinanggi ni MANIBELA Presidet Mar Valbuena na mga miyembro nila ang kumuyog kay Gonzales taliwas sa mga lumabas na video hinggil sa nangyari.
Desidido naman ang kumpaniyang Manila Broadcasting Company na siyang nagpapatakbo ng himpilang dzRH na ituloy ang pagsasampa ng asunto laban kay Valbuena at sa grupo nito. | ulat ni Jaymark Dagala