Kinokondena ng ilang mga senador ang ginawa ng China Coast Guard (CCG) na pagkumpiska at pagtapon ng pagkain at iba pang suplay sa resupply mission at pagharang sa medical evacuation ng ilang mga sundalong may sakit na nagbabantay sa Ayungin Shoal.
Para kay Senate President Pro Tempore at Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng China.
Ayon kay Estrada, hindi lang dapat ang Pilipinas ang magkondena dito kundi dapat pati ang international community ay mariing kondenahin sa aksyon ng China Coast Guard sa West Philippine Sea.
Hindi aniya dapat kinukunsinte ang ganitong mga gawi at dapat gawin ang lahat para mapanagot ang CCG.
Ayon naman kay Senador Sonny Angara, dapat na ipanawagan sa China ang pagpapanatili ng kahinahunan at huwag pigilin ang mga hindi naman marahas at regular nang mga aktibidad ng mga tauhan ng Pilipinas tulad ng resupply mission na mahalaga para sa kalusugan at kapakanan ng mga sundalo ng Pilipinas.
Ang aksyon aniya ng CCG ay naglagay sa panganib sa buhay ng ating mga sundalong nasa Ayungin Shoal at ito ay maituturing na paglabag sa kanilang karapatang pantao. | ulat ni Nimfa Asuncion