Grey zone tactics lang ng China ang umanoy ruling nito na manghuhuli sila ng mga umanoy papasok sa kanilang inaangking teritoryo.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Political Analyst, Dr. Froilan Calilung na maituturing na taktika lang ng China ang nasabing banta gayung wala naman itong pinanghahawakang international agreement o international legal document para ipatupad ang hakbang.
Naniniwala din si Calilung na
hindi aabot sa proseso na magdiditine ang China gayung kahit paano ay may pinangangalagaan itong international image.
May koneksiyon aniya ito, hindi lamang para protektahan ng Tsina ang political at military standpoint nito, kundi higit sa lahat ay may kinalaman din sa aspeto ng ekonomiya.
Binigyang-diin rin ni Calilung na hindi magdudulot ng magandang senaryo ang nasabing polisiya ng China sapagkat hindi lamang aniya pagkakait sa karapatan ng mga Pinoy fishermen kundi pati na sa kalayaan. | ulat ni Alvin Baltazar