Hindi pa nasisimulan ang panghuhuli ng mga unconsolidated na jeepney sa bansa kahit pa natapos na ang deadline sa consolidation process na bahagi ng PUV Modernization Program.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas, sinabi ni LTFRB Board Member Mercy Jane Paras-Leynes na ongoing ngayon ang mga pagdinig at pag-iisyu ng mga show cause order sa mga operator na hindi nag-consolidate sa kooperatiba o korporasyon.
Ito ay bahagi aniya ng due process na ibinibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga unconsolidated.
Kasabay pa nito ang pag-aasikaso rin para sa mga nag-consolidate na operators.
Kasunod nito, sinabi rin ng LTFRB na pag-uusapan din ng ahensya sa susunod na linggo ang suhestyon sa Kamara na bigyan pa ng isang taong palugit ang mga hindi nakapag-consolidate. | ulat ni Merry Ann Bastasa