Tiniyak ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na iimbestigahan ng ahensya ang panibagong kaso ng pagbawas sa cash assistance ng mga benepisyaryo.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, isa umanong coordinator ng local official ang umano’y nagtapyas ng ₱9,300 mula sa bigay na ₱10,000 financial assistance sa tatlong benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa Cagayan de Oro City.
Sinabi ni Secretary Dumlao na makikipag-ugnayan ang ahensya sa Field Office nito sa Northern Mindanao para matulungan ang mga complainant sa pagsasampa ng kaso.
Inulit din nito ang babala ng ahensya laban sa mga indibidwal na nagpaplanong mangupit sa bigay na tulong sa mga benepisyaryo ng AICS.
Gaya ng insidente ng pagkaltas sa cash assistance sa isang buntis sa Davao del Sur, tinitiyak din ng DSWD na mapanagot ang mga responsable sa Cagayan de Oro City. | ulat ni Rey Ferrer