Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang ikalawang subok ng isang American sex offender na makapasok sa bansa.
Ayon sa BI, sumubok itong gumamit ng ibang pangalan at pagkakakilanlan.
Ayon naman kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ang nasabing pasahero na si Kent Thomas Kuszajewski 59-year-old na dumating sa NAIA terminal 1 nitong Hunyo 12 sakay ng Philippine Airlines (PAL) mula Ho Chih Minh, Vietnam.
Sabi ni Tansingco, ang nasabing Amerikano ay nagpakita sa mga tauhan ng BI ng US passport sa ilalim ng pangalang Blade Tyler, subalit lumalabas na may positive report din ang naturang pagkakakilanlan sa BI derogatory list.
Ito na ayon kay Tansingco ang naging mitsa ng pagtaboy sa pasahero ng mga tauhan ng BI.
Paliwanag ni Tansingco, si Kuszajewski ay nauna nang naaresto at pina-deport ng BI noong 2015 dahil sa pagiging registered sex offender (RSO).
Nagtangka itong muling pumasok sa bansa sa pamamagitan ng Mactan noong June 2021 subalit muling naharang, dahil nasa listahan ng blacklist ng BI para sa mga undesirable alien.
Dito ay gumamit naman siya ng pangalang Alex Stevens. | ulat ni Lorenz Tanjoco