Patuloy ang panawagan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez para sa tuluyang pagbabawal ng operasyon ng POGO sa bansa.
Sa gitna pa rin ito ng kontrobersiya ng POGO sa Bamban, Tarlac at sa Porac, Pampanga na sinalakay kamakailan ng mga awtoridad kung saan natuklasan ang mga Chinese at Vietnamese nationals na biktima ng human smuggling syndicates.
Aniya, pinapatunayan lang nito na ang POGo ay naging pugad na ng iligal na aktibidad gaya ng money laundering, illegal immigration at employment, prostitution, extortion, at kidnapping.
Mas malaki din aniya ang dulot na salot ng POGO sa lipunan kaysa sa kikitain ng panahalaan.
Bagama’t welcome kay Rodriguez ang pahayag ni Finance Secretary Ralph REcto na hindi ito tutol sa pagpapasara ng mga POGO sa bansa, mas maigi sana kung magkaroon aniya ang kalihim ng mas malinaw na posisyon para sa pag-ban ng POGO gaya ni dating Finance Sec. Benjamin Diokno.
Kasabay nito binigyang diin ng mambabatas na dapat nang aprubaban ng Kongreso ang panukala ng kasamahang si Manila Rep. Bienvenido Abante para i-ban ang operasyon ng POGO sa bansa.
Ilang senador na rin aniya ang suportado ang naturang hakbang kasunod na rin ng ginagawang nilang imbestigasyon sa offshore gambling operations sa Tarlac.
“Let us take advantage of these inquiries in the Senate. If the House approves our proposal soon, it will have a big chance of winning support and approval in the Senate,” sabi ni Rodriguez.| ulat ni Kathleen Forbes