Isinusulong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga indibidwal na maglalagay ng maling impormasyon sa kanilang birth certificate.
Nakapaloob ito sa inihaing Senate Bill 2703 o ang panukalang sa delayed registration of birth act.
Sa ilalim ng panukala, ang sinuman na maglalagay ng false statement o maling impormasyon sa kanilang birth certificate ay mahaharap sa pagkakabilanggo ng mula anim na buwan at isang araw hanggang 12 taon at multa na na hindi bababa sa 100,000 pesos at hindi naman hihigit sa P250,000.
Kung ang lumabag ay isang public official tulad sa local civil registry, ito ay awtomatikong madi-dismiss sa serbisyo at hindi na kailanman papayagang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Wala namang multa sa delayed na pagpaprehistro ng kapanganakan subalit dapat ay maihain ito sa loob ng 30 araw o kaya naman ay ilagay ang rason kung bakit delayed ang registration.
Sinabi ni Estrada na ang panukalang ito ay isa na sa mga bunga ng imbestigasyon ng Senado sa kaso ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Matatandaanag kinukwestiyon ang pagka-Pilipino ni Mayor Alice dahil sa mali-maling impormasyon na nakasaad sa birth certificate nito na inirehistro noon lang 2005 kung kailan 19 years old na ang alkalde.| ulat ni Nimfa Asuncion