Pasado na sa Bicameral Conference Committee ang panukala na patawan ng 12% VAT ang mga non-resident digital service providers gaya ng Netflix, Disney, at HBO.
Ayon kay House Ways and Means Chair Joey Salceda inaasahan na makakalikom ng ₱18-billion sa unang taon pa lang ng pagpapatupad ng batas.
Isa sa probisyon ng panukala ay ang paglalaan ng 5-percent ng incremental revenues, o katumbas ng ₱900-million sa creatives sector.
Punto ng mambabatas ang pagbubuwis sa imported goods ay para sa benepisyo ng domestic counterpart nito.
Noong panahon kasi aniya ng pandemiya, nang mamayagpag ang digital services, ay hindi siningil ng buwis ang foreign digital service providers habang ang resident content producers ay may VAT at income tax pa.
“This unfairness to the domestic sector for at least four years is why the House contingent believes that we owe the resident creatives sector some measure of compensation and support,” sabi ni Salceda.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay kapangyarihan sa Finance secretary na magtakda ng witholding tax sa mga maliliit na tax payers o yung mas mababa sa ₱3-million VAT threshold na tinatakda ng TRAIN Law.
“We obtained assurances that small taxpayers will not be subject to excessive audits or complicated compliance… What the DOF proposal simply does is instead of paying their percentage taxes at the end of the year, the taxes will be withheld by the e-commerce site,” saad niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes